JDV III umeskapo
Dahil sa umano’y “assassination plot” na nakaumang sa kanya, sumibat kahapon patungong Japan ang tinaguriang “whistle blower” ng ZTE broadband scandal na si Jose “Joey” de Venecia III.
Naispatan ng mga kagawad ng Aviation Security Group ang batang de Venecia dakong alas-8 ng umaga sa departure area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 kasama ang ilang hindi pinangalanang mga kon gresista. Lulan sila sa Japan Airlines flight JAL-746 patungong Narita, Japan.
Bago ito, nakipag-ugnayan ang nakababatang de Venecia sa mga tauhan ng PNP-ASG upang tiyakin kung ligtas siya habang nasa paliparan at sa pag-alis nito. Hindi naman nagbigay ng anumang pahayag si JDV III kung hanggang kailan siya mananatili sa ibang bansa upang magtago.
Bago umalis ng bansa ay nagpa-blotter si JDV III sa Makati Police laban sa umano’y banta sa kanyang buhay na isasagawa umano ng tatlong dating police generals. Isang preso ang pakakawalan umano para iligpit sila ng kanyang amang si Speaker Jose de Venecia.
Ang death threat umano ay bunsod ng mapangahas niyang mga pagbubulgar tungkol sa anomalya at suhulan sa broadband project. (Ellen Fernando)
- Latest
- Trending