Nanuhol sa ‘impeach GMA’ itinuro
Pinangalanan kahapon ni Anakpawis Rep. Crispin Beltran ang taong nagtangkang ma nuhol sa kanya para lumagda at maisulong ang impeachment complaint na inihain ni Atty. Roel Pulido laban kay Pangulong Arroyo.
Sa privilege speech ni Rep. Beltran, isiniwalat nito na isang Francis Ver, sinasabing deputy secretary general ng Kabalikat ng Malayang Pilipino (Kampi) ang umano’y nag-alok sa kanya ng P2 milyong halaga kapalit ng pag-endorso sa impeachment complaint laban sa Pangulo.
Sinabi ni Beltran, noong Oktubre 5 ng hapon sa loob mismo ng plenaryo ng Kon greso ay dalawang beses siyang nilapitan ni Ver at inalok muna siya ng P1 milyon kapalit ang pagpirma nito sa reklamo ni Pulido. Nang tanggihan ni Beltran ay dinoble umano ito ni Ver at ginawang P2 milyon.
Ayon kay Beltran, hindi niya masikmura na ipagbili ang kanyang pirma para maisulong lamang ang isang pekeng impeachment complaint na magbibigay umano ng proteksiyon sa Pangulo.
Naniniwala si Beltran na may basbas ng Palasyo ang naturang huwad na reklamo para mailigtas o maiiwas ang Pangulo sa mas matibay at mabigat na impeachment complaint.
Bukod kay Beltran, lima pang kongresista ang sinasasabing tinangkang suhulan ni Ver. Ito’y sina Reps. Justin Chipeco, Mujiv Hataman, Bem Noel, Rufus Rodriguez at Dan Fernandez.
Mariin namang itinanggi ni DILG Secretary Ronaldo Puno na mayroong kinalaman ang KAMPI sa alegasyon ni Beltran.
Sinabi ni Sec. Puno sa isang press briefing sa Malacañang, isang opisyal ng KAMPI si Ver subalit walang kinalaman ang partido sa sinasabing tangkang panunuhol nito sa ilang kongresista para suportahan ang impeachment complaint na isinampa ni Atty. Pulido at inendorso naman ni Laguna Rep. Edgar San Luis.
“This is something certainly that Kampi does not countenance. I think there will be unanimity in Kampi in distancing itself from him [Ver] and condemning this. Kampi has absolutely nothing to do with this,” wika pa ni Puno, chairman ng KAMPI na itinatag ni Pangulong Arroyo.
Itinanggi naman ni Ver na tinangka niyang suhulan ang nabanggit na mga mambabatas. Gayunman, sinibak na siya sa partido.
Ayon naman kay Pulido, handa naman daw niyang iurong ang reklamo kapag may naghain na ng mas malakas na complaint. Itinanggi rin ni Pulido na kilala niya si Ver at huwag din daw siyang ikumpara kay Atty. Oliver Lozano na kilalang naghahain ng mahihinang reklamo.
- Latest
- Trending


















