Isang abogadong si Atty. Roberto Rafael Pulido ang nagsampa kahapon sa Ombudsman ng kasong katiwalian laban kay House Speaker Jose de Venecia at anak nitong si Jose III (Joey) dahil sa pagkakasangkot ng mga ito sa kontrobersyal na national broadband network project.
Sinasabi ni Pulido sa kanyang reklamo na lumabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act si Speaker de Venecia nang pumagitna sa pag-aaward ng kontrata sa pamahalaan.
Kabilang sa mga kumpanyang naghahabol na makakuha sa kontrata ang Amsterdam Holding Inc. na pag-aari ng batang de Venecia pero nakakuha sa proyekto ang ZTE Corp. ng China.
Nakialam anya ang matandang de Venecia nang pangasiwaan niya ang pulong ng kanyang anak kay Transportation and Communication Secretary Leandro Mendoza.
Inakusahan din ni Pulido ang mag amang de Venecia na nagsabwatan upang mapabilis ang bidding at mapunta sa AHI ang NBN project. (Angie dela Cruz)