Abalos ’di tetestigo vs GMA

Walang balak si dating Comelec Chairman Benjamin Abalos na maging testigo laban kay Pangu­long Arroyo kaugnay sa kontrobersiyal na $329.4-million ZTE National Broad­band Network (NBN) deal sa kabila ng paghahamon sa kanya ng iba’t ibang sector.

Ayon kay Abalos, wala siyang dapat ibunyag da­hil pawang katoto­hanan la­ mang umano ang mga nauna niyang sinabi sa Senate inquiry. Aniya, ha­yaan na lamang na lumitaw ang katotohanan upang wala nang iba pang tao na madamay. 

Bumalik kahapon si Abalos sa tanggapan ng Comelec para pormal na makapagpaalam sa kan­yang mga empleyado. Ani­ya, ang kanyang pag­bibitiw ang magsi­silbing legacy niya sa komisyon.

Naniniwala ang ilang senador na maraming “alas” na hawak si Abalos laban kay Pangulong Arroyo at mas makaka­tulong ito kung tetestigo laban sa Presidente.

Ayon kay Sen. Alan Cayetano, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, mas hahangaan si Abalos kung ituturo nito kung sinu-sino pa ang nasa likod ng NBN deal.

Sinabi pa ni Cayetano na malaking ‘victory’  para sa oposisyon ang ginawa ni Abalos, pero mas ma­laking tulong kung ibu­bunyag nito ang iba’t ibang anomalya sa pama­halaang Arroyo.

Kung gugustuhin uma­no ni Abalos na ‘malinis’ ang kanyang pangalan, dapat ay sabihin na nito ang lahat ng kanyang nalalaman.

Nanawagan din si Ca­ye­tano kay dating NEDA director general  Romulo Neri na sumunod na rin sa yapak ni Abalos sa ginawa nitong pagbi­bitiw.

Idinagdag ni Caye­tano, higit na magiging malinis ang pangalan ni Neri kung magre-resign din ito at magtuturo kung sinu-sino pang matataas na opisyal ng pamaha­laan ang tu­manggap ng ‘kickback’ sa ZTE deal.

Sinasabing tinang­kang suhulan ni Abalos ng P200-M si Neri upang aprubahan ang naturang broadband deal.   

Samantala, tiniyak naman ni Comelec Commissioner Resureccion Borra na hindi makaka­apekto sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections ang pagbibitiw ni Abalos dahil nakalatag na ang plano para sa pagpapatakbo ng eleksyon at nakipag-ug­nayan na rin siya sa Philippine National Police. (May ulat nina Malou Escudero at Danilo Garcia)

Show comments