Inirekomenda na ng Department of Justice na isulong sa korte ang kasong criminal laban sa dalawang mataas na opisyal ng kilalang nursing review center dahil sa umano’y pagiging responsable sa naganap na umano’y dayaan sa nursing board exam noong nakaraang taon.
Sa 18-pahinang resolution ng DoJ panel of prosecutors, may nalabag na batas sina Ricarte Gapuz Jr., director ng Gapuz Review Center at George Cordero, pangulo ng Intress Review Center.
Ang mga ito ay maaaring makulong mula anim hanggang 12-taon kung mapapatunayan na guilty sa pagpapakalat ng mga questionnaires bago isagawa ang pagsusulit.
Sa imbestigasyon, lumalabas na positibong itinuro ng mga testigo sina Gapuz at Cordero na siyang nagbigay ng mga tanong na eksaktong lumabas sa exam.
Inabsuwelto naman ng prosecution ang iba pang opisyal ng Gapuz at Inress at ang lahat ng mga opisyal ng Pentagon Review Center.
Gayunman, ipinaliwanag ng DoJ na maaaring ituloy ang kaso laban sa mga opisyal ng Pentagon kung may lilitaw na bagong ebidensiya laban sa mga ito. (Grace dela Cruz)