GMA boboykotin sa aniv. ng SSS
Nagbanta ang unyon ng mga empleyado ng Social Security System (SSS) na boboykotin nila ang pagdalo ni Pangulong Arroyo sa ika-50 anibersaryo ng ahensya sa Setyembre 3.
Sinabi ni Alert and Concerned Employees for Better SSS executive vice-president Ramon San Andres Jr., ito’y hanggang hindi pa nareresolba ng pamunuan ni SSS President Corazon dela Paz ang isyu ng kanilang “collective negotiation/agreement incentives” para sa taong 2006.
Base sa komputasyon ng kinita ng ahensya nitong 2006, aabot sa P86,000 ang matatanggap na CNA incentiveng bawat empleyado ng SSS.
Tinanggihan ng unyon ang iniaalok na P25,000 ng pamunuan ng SSS at kinuwestyon kung saan mapupunta ang P61,000 na sobra sa kanilang komputasyon.
Iginiit ni San Andres na maibigay sa kanila ang kahit man lang P50,000 na halaga at ilagay sa trust fund ng mga empleyado ang natitirang P36,000.
Patuloy pa rin ang pagsasagawa ng unyon ng “lunch time protest” na sinimulan nila buhat pa noong Hulyo 30 hanggang hindi nareresolba ang isyu. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending