Tatangkain ng Pilipinas na maiukit sa kasaysayan sa mundo at maihanay sa iba pang mga pambihirang pangyayari na naitala sa Guinness Book of World Records ang ginagawang Binyagan sa Barangay ni dating Manila congressman Mark “MJ” Jimenez.
Kahapon ay idinaos ang pinakamalaking binyagan sa Manila Cathedral at San Agustin Church sa Intramuros, Manila kung saan 6,000 maralitang bata mula sa ibat-ibang pamilyang naninirahan sa Baseco Compound, Parola at Gagalangin na pawang sa Tondo; Leveriza, Sta. Mesa, Pandacan at sa mga squatters area sa Manila. ang sabay-sabay na bininyagan ng libre sa ilalim ng Hulog ng Langit Foundation.
Bukod sa libreng ternong damit at sapatos, pink para sa mga batang babae at blue para sa mga batang lalaki, tiniyak ng dating kongresista na komportableng makakarating sa simbahan ang mga batang bibinyagan kasama ang mga magulang dahil 40 bus ang kanyang inarkila para sa nasabing okasyon.
Pinatunayan din ng populistang si MJ na pantay-pantay ang lahat sa mata ng Diyos, dahil maging ang kanyang 8-buwang gulang na anak na si Angelina Juliana Crespo ay biniyagan din.
Upang maipakalat ang magandang gawain sa buong mundo, nagsasagawa na ng documentation ang ilang kasapi ng foundation upang ito ay maipatala sa Guinness.
Nangako si MJ na isang milyong bata ang kanyang pabibinyagan mula sa ibat-ibang panig ng mundo.
Simula noong Hunyo 2007 ay nakapagpabinyag na ito ng libre sa 20,000 bata.