Labinlimang (15) sundalo ng Philippine Marines kabilang ang limang batang opisyal ang napatay habang tinatayang mahigit 40 ang nalagas sa panig naman ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa umaatikabong bakbakan na sumiklab kahapon ng umaga sa Brgy. Silangkum, Ungkaya Pukan, Basilan.
Ayon kay AFP-Public Information Office (AFP- PIO) Chief Lt. Col. Bartolome Bacarro, alas–6:25 ng umaga nitong Sabado ng mag-umpisa ang sagupaan matapos salakayin ng tropa ng Marine Reconnaissance Company ang kuta ng may 70 mga bandido na pinamumunuan ni Kumander Furuji Indama.
Nagsagawa naman ng blocking operations ang 31st Marine Company na sinagupa rin ng reinforcement troops ng may 50 pang mga bandidong Sayyaf kaya naging matindi ang labanan.
Hindi muna tinukoy ang pangalan ng mga nasawing sundalo dahil kailangan pang impormahan ang kanilang mga pamilya. Pito pa ang iniulat na nasugatan.
Sa panig ng mga kalaban, kabilang sa mga napatay sina Sayyaf Commander Umair Indama alyas Abu Jihad, isa sa apat na bandido na sangkot sa pamumugot ng ulo ng 10 sa 14 napatay na Marines nitong Hulyo 10 at isang Alimali Amirul.
Ayon naman kay Western Mindanao Command Chief Lt. Gen. Eugenio Cedo, maaaring madagdagan pa ang bilang ng napatay na Abu rebels matapos gumamit ng air strikes ang reinforcement MG250 attack helicopter at OV 10 bomber plane ng Phil. Air Force na sumaklolo sa ground troops ng Marines sa lugar.
Sinabi ni Cedo na anim na bangkay ng mga bandido ang narekober at marami pa ang nagkalat sa gubat habang ang iba ay nahila ng mga nagsitakas nilang kasamahan.
Si Indama ay lider ng ASG na aktibong nagsasagawa ng operasyon sa Silangkum sa Tipo-Tipo Central ng nasabing lalawigan.
Sa kasalukuyan ay aabot sa 6,000 sundalo na ang nakadeploy sa Basilan kabilang ang limang batalyon ng Marines na tumutugis sa grupo ng Muslim pugot-rebels.
Samantala, umaabot na sa 4, 513 pamilya o kabuuang 22, 887 katao ang nagsilikas sa takot na maipit sa sagupaan.
Ayon kay National Disaster Coordinating Council (NDCC) Executive Director Glenn Rabonza, kabilang sa mga nagsialis sa kani-kanilang mga tahanan ay 2, 722 pamilya mula sa Sulu at 1, 791 naman sa Basilan.
Kinukupkop na ang mga residente sa mga evacuation center sa bayan ng Indanan at Parang na itinayo ng NDCC sa Sulu. Namahagi na rin ang NDCC ng 5,000 sako ng bigas sa lokal na pamahalaan at 25 tents para sa evacuees.