Nakauwi na kahapon si Maguindanao provincial election supervisor (PES) Atty. Lintang Bedol mata pos na payagan itong makapaglagak ng P15,000 piyansa ng Commission on Elections (Comelec).
Ayon kay Comelec Chair man Benjamin Abalos Sr., inaprubahan ng Comelec en banc ang motion for bail na inihain ni Bedol sa pamamagitan ng kanyang abogadong si Atty. Andrei Bon Tagum.
Saad naman ni Abalos, ang paglaya ni Bedol ay may kaakibat na kondisyon na palagi itong magiging available sa oras na kailanganin at ipatawag ito ng Comelec.
Sa kabilang dako, nabatid na sinimulan na ng Comelec Law Department na imbestigahan kung may iba pang nalabag na election code si Bedol.
Wika ni Abalos, posibleng mas mabigat na parusa ang kaharapin ng kontrobersyal na election supervisor sakaling mapatunayang may pananagutan ito sa anumang kasong kriminal sa komisyon.
Hindi naman naitago ni Abalos ang pagkapikon matapos na akusahan na mababaw ang naging hatol kay Bedol sa kaso nitong ‘indirect contempt’.
Ayon kay Abalos, ginawa naman nila ang kanilang tungkulin at iyon lamang ang parusang maaari nilang ipataw kay Bedol sa kasong indirect contempt.
Sinabi ni Abalos na sila naman ang maaaring makasuhan sakaling sumobra ang araw na kanilang ipapataw kay Bedol.
“Hindi puwedeng sumobra pa sa anim na buwan ang ‘maximum penalty’ dahil magiging ilegal na ito,” ani Abalos.
Iginiit nito pinakamataas na parusa na ang ipinataw kay Bedol base na rin sa isinasaad ng batas at sakaling maging pinal na ang resolusyon ng Comelec en Banc tiyak umanong masisibak ito sa puwesto.
Samantala, hiniling naman ni Nacionalista party spokesman Gilbert Remulla sa Bureau of Immigration ang paglalagay sa watchlist ni Bedol.
Ayon kay Remulla, hindi dapat payagang makalabas ng bansa si Bedol sakaling mapayagan itong makapagpiyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan. Aniya, malaki ang pananagutan ni Bedol sa bayan kaya hindi ito dapat na payagang makaalis ng bansa. (Mer Layson/Doris Franche)