Inatras ni Pangulong Arroyo ang balak na paghingi umano sa Kongreso ng “emergency powers” para sa napipintong krisis sa enerhiya sanhi ng lumulubhang tagtuyot kasunod ng pahayag ng Senado na hindi ito bibigyan ng dagdag na kapangyarihan.
Sinabi ni Press Secretary at Presidential Spokesman Ignacio Bunye, malayo sa katotohanan na humingi ng dagdag na kapangyarihan si Pangulong Arroyo dahil kumikilos na anya ang mga ahensiya ng gobyerno para masolusyunan ang problema.
“On a scale of one to ten, I would put the possibility of the President resorting to emergency powers to address the situation at 0.5,” wika ni Sec. Bunye.
Aniya, sinisimulan na ng Pangulo ang pamamaraan upang maiwasan ang anumang water at power shortage. Inatasan na rin ng Chief Executive ang mga ahensiya ng gobyerno na gumawa ng pamamaraan upang agarang maresolba ang posibleng problema sanhi ng kakulangan sa ulan lalo sa Central at Northern Luzon kung saan ay napipinsala ang mga pananim. (Rudy Andal)