At dahil sa kinatatakutang matinding tagtuyot, posibleng magbenta na rin ng tubig ang Bureau of Fire Protection (BFP) sa oras na magkaroon ng matinding kakapusan sa suplay ng tubig sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ngunit iginiit ni C/Insp. Renato Marcial, spokesman ng BFP, na upang makapagbenta ang isang fire marshall ay kailangan na makakuha muna ng “letter of order” buhat sa Department of Interior and Local Government (DILG).
Ipinaliwanag ni Marcial na ipinagbabawal ang paglalako ng tubig ng mga bumbero na gamit sa pagpuksa ng apoy ngunit posibleng maisagawa ito sa oras ng matinding pangangailangan tulad ng tagtuyot.
Inihahanda na rin ng BFP ang kanilang contingency measures na ipinatupad nila noong panahon ng El Niño.
Sa oras ng kakulangan sa tubig, sinabi nito na kasama sa kanilang plano ang paghahanap ng ibang lugar na pagkukunan tulad ng mga bukal, balon at maging pagkuha ng tubig sa dagat upang gamitin sa pag-apula sa mga sunog.
Nagbabala rin si Marcial sa mga residente ng Metro Manila na kanilang aarestuhin at kakasuhan sa oras na mahuli na responsable sa pagbubukas ng kanilang mga fire hydrants sa tabing kalsada upang makalibre sa tubig.
Magsasagawa rin ang BFP ng dayalogo at in formation drive sa publiko upang mapakiusapan na magtipid sa tubig at pag-iingat sa posibleng pagsiklab ng sunog dahil sa matinding init na nararanasan ngayon ng mundo dulot ng global warming.