Villar sa Senado; JDV sa Kamara
Muling nakaupo sa pinakamataas na posisyon sa Senado at House of Representatives sina Senador Manuel Villar at Pangasinan Rep. Jose de Venecia sa pagbubukas kahapon ng 14th Congress bagaman naging mainit at kontrobersyal ang pagpili ng taong iluluklok sa naturang mga posisyon.
Kung naging magulo ang pagbubukas ng 14th Congress sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, walang kahirap-hirap namang nakuha ni Villar ang kanyang dating posisyon bilang presidente ng Senado matapos suportahan ng 15 senador.
Si Sen. Aquilino Pimentel na nakakuha lamang ng pitong boto ang naging kalaban ni Villar kaya ito ang uupong minority leader sa Mataas na Kapulungan.
Katulad ng inaasahan, hindi nakarating sa ses yon si Senador Antonio Trillanes na nakakulong dahil sa kinakaharap na kaso sa korte.
Mananatiling majority floorleader si Sen. Francis Pangilinan samantalang si Sen. Jinggoy Estrada naman ang uupong Senate Pro-Tempore.
Sa ikalimang pagkakataon at sa botong 159, muling napili si de Venecia bilang Speaker ng House bagaman pinupuna ng ilang oposisyong mambabatas na isang huwad na halalan ang isinagawa ng mababang kapulungan para sa naturang posisyon.
Hindi nanomina ang itinuturing na mahigpit na katunggali ni de Venecia sa pagka-Speaker na si Cebu Rep. Pablo Garcia.
Sa naunang caucus ng mga oposisyong kongresista, napiling minority leader si San Juan Rep. Ronaldo Zamora. Si Iloilo Rep. Arthur Defensor naman ang acting majority floorleader at inaasahang mahahalal din sa posisyong ito.
Kinondena naman ni Camarines Sur Rep. Luis Villafuerte ang anya’y huwad na halalan sa House na nagresulta sa pagbibigay kay de Venecia ng ikalima nitong termino bilang Speaker.
Pinuna ni Villafuerte na hindi pa nagkakaroon ng malinaw na rules of procedure nang mahalal si de Venecia sa loob lang ng 29 na minuto.
Ipinasya anya ni Garcia na huwag nang lumaban dahil irregular umano ang proseso at magkakaroon ng pagdududa sa pagiging lehitimo ni de Venecia.
Sa hiwalay na ulat, isang resolusyon na nilagdaan ng 15 senador sa pangunguna ni Pimentel na humihiling sa korte na payagang makadalo sa sesyon ng Senado si Trillanes.
May 100 tagasuporta naman ni senatorial candidate Aquilino “Koko” Pimentel III ang nagpiket sa kalsada malapit sa Senado para kondenahin ang pagkakaproklama kay Sen. Juan Miguel Zubiri na naging mahigpit na katunggali niya sa ika-12 puwesto sa nakaraang senatorial election. (Malou Escudero at Butch Quejada)
- Latest
- Trending