Tatagal lamang ng 45-minuto ang magiging State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Arroyo sa pagbubukas ng 14th Congress sa darating na Lunes, July 23.
Ayon kay Press Secretary at Presidential Spokesman Ignacio Bunye, sa ginawang rehearsal ng Pangulo sa kanyang speech sa harap ng mga miyembro ng Gabinete ay inorasan ito at tumagal ng 45 minuto.
Sinabi ni Sec. Bunye, nakatuon ang SONA ng Pangulo sa tuloy-tuloy na kaunlaran sa larangan ng ekonomiya, edukasyon at social justice upang makamit ang minimithing mapabilang ang Pilipinas sa First World Countries.
Inamin din ni Bunye na gagamit muli ang Pangulo ng mga “gimik” tulad ng mga visual aid at iba pang sorpresa sa kanyang SONA.
Ang SONA din ng Pangulo ay magsisilbing report card nito sa taumbayan kaugnay sa kanyang mga nagawa sa nakalipas na taon.
Aniya, hindi ang Palasyo ang dapat magbigay ng grado sa Pangulo kung nakapasa ito sa kanyang mga pangako noong nakaraang taon sa taumbayan kundi dapat ay mayroong 3rd party na magiging judge na magbibigay ng grado dito. (Rudy Andal)