Siyam katao ang namatay habang dalawa pa ang nawawala nang lumubog ang isang roll-on roll-off (RORO) vessel sa lalawigan ng Quezon kahapong alas-3 ng madaling araw.
Batay sa pangunang report ng Philippine Coast Guard, tumagilid at sumadsad ang M/V Blue Water Princess malapit sa Bondoc Peninsula, 500 metro ang layo mula sa bayan ng San Francisco. Ang sasakyan ay pag-aari ng AC-Joy Express Liner at Magic Blue Ferry.
Ayon kay Lt. Sgt. Armand Balilio, PCG spokesman, nataranta ang mga pasahero nang tumagilid ang barko hanggang sa magtalunan ang ilan. Sakay ng RORO ang 60 pasahero, 32 truck driver at 23 crew members. May 114 naman ang nakaligtas.
Sinasabing ang insidente ay kasabay ng pag hagupit ng bagyong Bebeng noong Miyerkules ng gabi. Subalit ayon kay Commander Manuel Tamondong ng Coast Guard sa Lucena, hindi maaaring isisi sa bagyo ang paglubog ng nasabing cargo vessel dahil wala namang storm signal o tropical depression sa lugar.
Lumilitaw na umaabot sa 483-tonelada ang dala ng RORO vessel na umalis galing sa Lucena kamakalawa ng alas-5 ng hapon at patungong Masbate sana kahapon ng hapon. Naglalaman din ito ng 14 na sasakyan.
Sa sketchy report na tinanggap ni Coast Guard Dalahican Commander Manuel Tamondong, nakilala ang dalawa sa nasawi na sina Rodolfo de la Fuente, chief mate ng barko, at Lourdes Ricafranca.
Binanggit ng Coast Guard na binigyan nila ng go signal na maka-biyahe ang barko dahil sa wala namang storm signal sa nasasakupan nitong lugar.
Nang matanggap ang ulat ay kaagad na nagpadala ng recue team si Mayor Hernani Tan gayundin ang Southern Luzon Command na nag-dispatch ng dalawang huey helicopter at isang navy boat.
Ang apat na bangkay na nakuha ay nasa San Francisco, Quezon habang ang apat pa kabilang ang chief mate na si de la Fuente ay nasa San Andres, Quezon.
Dinala sa barangay Hall ng Pagsangngahan, San Francisco, Quezon ang mga nailigtas.