Dalawa pang barko ng Gothong Lines ang ‘itinali’ ng pamunuan ng Maritime Industry Authority (MARINA) makaraang sumabog ang makina ng MV Butuan Bay ng nasabing kumpanya na ikinamatay ng tatlong tao at pagkakasugat ng maraming pasahero noong Mayo 15.
Sa isang panayam kay Arnie Santiago, chief ng Enforcement Safety and Inspection Division ng MARINA, ang pansamantalang ‘pagtali’ o pag-iisyu ng Cease and Desist Order sa dalawa pang barko ng Gothong Lines na kinabibilangan ng MV Ozamis Bay at MV Subic Bay ay upang isailalim sa masusing inspeksiyon.
Pinuri ng grupo ni Engineer Nelson Ramirez, pangulo ng United Filipino Seaferers ang mabilis na aksiyon ng MARINA na siyasatin ang iba pang barko ng Gothong Lines. (Mer Layson)