Sinabi ni Figueroa na nagtataka siya kung bakit hanggang ngayon ay nakakabiyahe pa sa mga pangunahing lansangan ang mga karag-karag na sasakyan kahit may mahigpit na batas tungkol dito.
Kakalampagin ni Figueroa ang Department of Transportation and Communication (DOTC) partikular ang Land Transportation Office at Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) kung papaano nare-rehistro ang isang dispalinghadong sasakyan para makabiyahe pa sa lansangan.
Ayon kay Figueroa, sisitahin din niya ang LTFRB kung bakit nabibigyan pa ng mga prangkisa ang mga ito.
Sinabi ni Figueroa, napakaraming cargo trucks ang makikita sa mga pangunahing kalye na pupugak-pugak na pero wala umanong ginagawa ang mga awtoridad tungkol dito.
"Naghihintay pa ba silang magkaroon ng malaking sakuna bago sila kumilos laban sa mga dispalinghadong mga sasakyan?" ani Figueroa.
Sa ilalim ng bagong Motor Vehicle Inspection System, ang mga sasakyang delikado, overloaded, improperly marked or equipped at hindi pumasa sa itinadhanang regulasyon at alintutunin sa LTO ay hindi dapat makitang tumatakbo sa mga lansangan. (Butch Quejada)