Hindi naman nagpakita ng pagtutol sa mga awtoridad si Rep. Ocampo nang dalhin ito ng mga awtoridad sa himpilan ng MPD, kasama ang kanyang maybahay na si Carolina Malay.
Inihain kahapon ni Ocampo ang petisyon na humihiling na muling pag-aralan ang kaso kung saan siya isinasangkot dahil may pag-abuso sa panig ng hukom na nagpalabas ng warrant of arrest laban sa kanya sa kabila ng walang due process at may 30 taon na ang nakalilipas.
Ani Ocampo, malabo umano na iutos niya ang pagpatay dahil sa mga panahong iyon ay nakakulong siya.
"I was in the maximum security detention center of the AFP in Fort Bonifacio from 1977 onwards. I was in solitary confinement up to 1985. I was never in any position from 1984-1986 or at any other time to sign any kind of order to kill people in Leyte or anywhere else in the Philippines," wika pa ni Ka Satur.
Nagpalabas ng warrant of arrest ang korte kaugnay sa pagkakasangkot ng mambabatas sa 15 counts ng murder sa nadiskubreng mass grave sa Inopacan, Leyte na hinihinalang biktima ng pagpaslang ng New Peoples Army (NPA) mula 1985-1991.
Sinamahan si Ocampo ng kanyang legal counsel na si Atty. Romeo Capulong at kasamahang mambabatas na si Bayan-Muna Rep. Teddy Casino ng magtungo sa High Tribunal kahapon.
Umaasa naman ang legal counsel ni Ocampo na manghihimasok ang SC sa ginawang pag-aresto sa mambabatas dahil kaya nagtungo ang lawmaker sa Korte Sup rema ay para kwestyunin ang ipinalabas na arrest warrant dito.
Sinabi naman ni Supt. Eduardo Sierra, CIDU-MPD chief, hindi ilalagay sa likod na rehas ang mambabatas bagkus ay mananatili lamang ito sa General Assignment Section ng MPD pero posibleng ipalipat nila ito sa korteng nagpalabas ng arrest warrant sa Leyte sa sandaling ituos na ng korte. (Rudy Andal At Ludy Bermudo)