Ito ang patutsada ni First Gentleman Mike Arroyo sa isang Blog sa internet na nagsasaad ng kasinungalingan na mayroon nang inihaing petition for disbarment laban sa kanya.
Hinamon ni Ginoong Arroyo ang mga gumawa ng blog na lumantad at patunayang hindi ito peke at pawang kasinungalingan lamang.
"Sino mang mayroong konting kaalaman sa computer ay makikitang ang blog ay minaniobra lamang sa digital na pamamaraan. Kahit ako ay maaaring gumawa ng blog at sabihing ako si Brad Pitt kahit na hindi totoo," wika pa ng Unang Ginoo sa pamamagitan ng abogado niyang si Jesus Santos.
Sa naturang blog, sinasabi ng isang nag pakilalang si Celia Suarez na dati umano silang may relasyon ni Ginoong Arroyo pero nilinlang siya nito at nagpanggap na hiwalay na ito sa asawa para makuha siya at hindi tumupad sa pangakong pakakasalan siya.
Nakaposte rin sa blog ang ilang larawan nina Arroyo at Suarez habang magkasama.
Pero sinabi ni Arroyo na malinaw na niretoke lang sa computer ang mga litrato sa blog na isang patunay na kasinungalingan lamang ang mga nilalaman nito.
Ayon pa kay Santos, isang sertipikasyon mula kay Integrated Bar of the Philippines Director for Bar Discipline Rogelio Vinluan ang nagsasaad na wala silang rekord na may kaso sa kanilang opisina ang Unang Ginoo.
"Tulad ng mga kasinungalingan ni Congressman (Alan Peter) Cayetano, ang aming mga kalaban ay hindi na nahihiyang magsinungaling masiraan lamang ang Unang Ginoo," wika ni Santos na nagpatungkol din sa mambabatas na nambintang na may bank account si Arroyo sa Germany kahit walang pruweba.