Nani Perez, misis pinakakasuhan ng graft, extortion, forgery

Inirekomenda kahapon ni Ombudsman Merceditas Gutierrez na kasuhan si dating Department of Justice (DOJ) Sec. Hernando "Nani" Perez kasama ang asawa nitong si Rosario, bayaw na si Ramon Arceo at negosyanteng si Ernest Escaler.

Ang kaso ay nag-ugat matapos na mapatunayan na may sapat umanong ebidensya na nag-uugnay sa pagkakasangkot ni Perez kaugnay sa $2M extortion charge na inireklamo ni dating 6th District Manila Rep. Mark Jimenez na idineposito nito sa Coutts Bank sa Hong Kong noong Pebrero 2001.

Naging matibay din umano ang pahayag ni Jimenez na mismong ito ang nagdeposito ng nasabing pera sa naturang bangko na natuklasang dumaan umano kay Escaler bago napunta kay Perez.

Base sa mga bank documents na nakalap ng Ombudsman, ipinakita umano ang ilegal na aksyon ni Perez nang hingan umano nito si Jimenez ng pera kapalit ng paglagda sa kontratang Industrias Metalurgicas Pescarmona Sociedad Anonima (IMPSA) deal kaugnay ng proyekto upang I-rehabilitate ang Kalayaan Hydro Plant sa Laguna.

Sa panahon ni dating Pangulong Joseph Estrada, sinabi ni Jimenez na naging tulay ito upang maaprubahan ang IMPSA deal subalit tumanggin umano ang una dahilan sa kawalan ng sovereign guarantee.

Nang maalis sa posisyon si Estrada ay inilapit umano ni Jimenez kay Pangulong Arroyo ang nasabing proyekto na pinirmahan naman ng huli.

Samantala, ibinasura naman ng Ombudsman ang alibi ni Perez na nanggaling ang nasabing pera sa minana ng asawa nitong si Rosario at Arceo mula sa ibinentang lupain sa Batangas City subalit hindi naman ito nakasama sa kanilang statement of assets and liabilities.

Naging maramdamin si Gutierrez na aksiyunan ang pagrerekomendang kasuhan si Perez dahil noong DOJ secretary pa ito ay si Gutierrez naman ang undersecretary nito. (Angie dela Cruz)

Show comments