Ayon kay PNP-Firearms and Explosives Device (FED) Director Chief Supt. Florencio Caccam, natukoy ng mga forensic investigators ng Tacloban City Police Crime Laboratory ang mga biktima base sa pagkukumpara sa isinagawang forensic tests at sa impormasyong ibinigay ng mga kaanak.
Kabilang sa mga nasawi ay isang buntis, isang bata at dalawang sanggol na ang mga labi ay nakalagak sa V. Rama Funeral Homes habang ang iba ay pinaglalamayan na ng kanilang mga pamilya sa lungsod.
Kabilang sa mga natukoy na mga bangkay sina Sheila Teves, Annaliza Orayle, Mica Orayle, Eleonor Empimo, Catherine Mistula, Anna Mae Sanchez, Norissa Inday, Jun Rey Inday, Oscar Merino, Luzviminda Baguio, Brandy Bantasan, Felipe Obeña, Eddie Boy Obeña, Dante Pigay, Elvisa Daquinco, Helen Constantino, Severina Cartagena. Nakatakdang bigyan ng mass burial ang mga biktima.
Samantala, hinihinalang nasawi na rin sa sunog ang pito kataong iniulat na nawawala at na-trap sa loob ng nasunog na mall.
Iniimbestigahan na ang report na isang batang lalaki na bumili ng toy gun na tinesting umano nito at ng pumutok ay tumama sa nakaimbak na mga paputok sa main entrance ng mall na siyang pinagmulan ng sunog.
Ang toy gun ay isa umanong replica na ginagamitan ng gun powder para pumutok.
Nabatid na walang lisensiya para magbenta ng paputok ang nasabing mall na pag-aari ng Taiwanese na si Cheong Yong. (Joy Cantos )