Mga mosyon ni Cayetano nabasura

Sunud-sunod na nabasura kahapon ang mga inihaing mosyon ni Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano kaugnay sa reklamong inihain laban sa kanya ni First Gentleman Mike Arroyo.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House committee on ethics. nabigo rin si Cayetano na makapagharap ng ebidensiya na magpapatunay sa kanyang alegasyon na may multi-million dollar account sa Germany ang pamilyang Arroyo.

Hindi sumipot sa hearing si Cayetano pero ipinadala nito ang kanyang abogadong si Atty. Joel Montales.

Sa botong 28-5, nabasura ang mosyon ni Cayetano na makapagpalabas ng subpoena testificandum kung saan maaaring ipatawag ang mga testigo sa hearing at subpoena duces tecum o ang pag-produce ng mga kinakailangang dokumento.

Laglag din ang mosyon na humihiling sa pagsasagawa ng initial review sa botong 34-6, at hindi rin kinatigan ng mga miyembro ng komite ang mosyon para sa pagpapatuloy at pagtatapos ng initial review sa botong 27-7.

Nais sana ni Cayetano na isagawa ang pagdinig sa Disyembre 12 matapos hindi nito maisumite ang mga controverting evidence na kokontra sa mga inihaing ebidensiya ng kampo ng mga Arroyo.

Bagaman at dumalo sa hearing sina Pampanga Rep. Mikey Arroyo at Negros Occidental Rep. Iggy Arroyo, hindi man nakisalo sa botohan ang dalawa dahil tumatayo rin silang complainant sa reklamo.

Binatikos ng mga maka-administrasyong kongresista ang hindi pagsipot ni Cayetano sa hearing at ang kabiguan nitong isumite ang mga ebidensiya na dapat ay noong Lunes pa ibinigay sa komite.

Si Cayetano ay inireklamo ng "improper conduct, disorderly behavior at unparliamentary conduct". (Malou Escudero)

Show comments