Hatol sa Subic rape, ngayon na!

Ngayong araw nakatakdang ipalabas ni Makati City Regional Trial Court Branch 139 Judge Benjamin Pozon ang hatol sa Subic rape case laban kina US Marine Lance Corporals Daniel Smith, Keith Silkwood, Dominic Duplantis at Staff Sergeant Chad Carpentier.

Umaasa ang biktimang si Nicole na makakamit niya ang hustisya at mahahatulan ng guilty verdict ang mga akusado. Ayon kay Nicole, ginahasa siya ni Smith sa loob ng isang van sa Subic Bay Freeport noong November 2005 habang nagsisigawan ang tatlo pang akusado.

Nabatid sa abogado ni Nicole na si Atty. Evalyn Ursua, dumalo sa dalawang linggong retreat ang kanyang kliyente upang mapagmuni-muni nito ang sinapit niyang mapait na kapalaran.

Dakong ala-una ng hapon inaasahang ibababa ni Judge Pozon ang hatol, kaya mahigpit na ipatutupad ang seguridad sa loob, labas at bisinidad ng Makati court upang maiwasan ang posibleng pagsiklab ng kaguluhan. (Lordeth Bonilla)

Show comments