Sa pag-abswelto kay Binay: 4 justices kakasuhan

Nakatakdang sampahan ng kasong kriminal, administratibo at disbarment ng isang anti-graft and corruption group ang apat na justices ng Sandiganbayan matapos nilang iabsuwelto sa kasong katiwalian si Makati City Mayor Jejomar Binay at mga kasama nito kaugnay sa overpricing sa pagbili ng mga office furniture na nagkakahalaga ng P232 milyon.

Mariing kinondena ng grupong Campaign for Public Accountability (CPA) sa pangunguna ng mortal na kalaban sa pulitika ni Binay na si dating Makati City Vice Mayor Roberto "Bobby" Brillante sina Justices Godofredo Legaspi, Efren dela Cruz, Norberto Gerladez at Diosdado Peralta.

Sina Legaspi, dela Cruz at Geraldez ang lumagda sa limang pahinang resolution para idismis ang kasong katiwalian ni Binay at mga kasama nito, habang si Peralta naman umano ang pumapadrino kay Binay, ayon kay Brillante.

Matatandaan na isinampa ang kasong plunder laban kina Binay sa Office of the Ombudsman noong Okt. 23, 2003. Makalipas ang tatlong taon, isinampa naman ng Ombudsman ang naturang kaso sa Sandiganbayan noong Okt. 3, 2006 kung saan nai-raffle ito sa 3rd Division ng Sandiganbayan noong Okt. 27.

Ngunit ayon kay Brillante, hindi man lamang umano nagkaroon ng paglilitis sa kaso dahil noong nakaraang Lunes, Oktubre 30 ay lumabas ang desisyon ng Sandiganbayan na ibinabasura ang kasong katiwalian nina Binay.

Nagkaroon umano ng grave ignorance of the law ang nabanggit na mga justices kaya sa susunod na linggo ay magsasampa ang CPA ng kasong kriminal at administratibo sa Supreme Court at disbarment naman sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) laban sa apat na mahistrado.

Show comments