Sa 8-pahinang kautusan ng CA 13th Division, inutusan nito si Executive Secretary Eduardo Ermita at Department of Interior and Local Government (DILG) na itigil muna ang pagpapatupad ng suspension.
Kumbinsido sa botong 3-0 ang tatlong mahistrado na sina Justices Enrique Lanzana, bilang chairman at mga miyembrong sina Edgardo Cruz at Jose Reyes sa petisyon ni Binay na may pagkakamali sa panig ng DILG nang isilbi ang suspension order ng Malacañang dahil sa wala namang nakitang sapat na batayan ang mga mahistrado.
Agad magkakabisa ang TRO kung saan inatasan ng CA ang Office of the President at DILG na magpaliwanag sa loob ng 10 araw kaugnay sa pagpapalabas ng suspension order.
Matapos makapagsumite ang DILG at Malacañang ng paliwanag, binigyan din ng limang araw na pagkakataon si Binay upang sagutin ito.
Si Binay lamang at hindi kasama ang kanyang bise alkalde at mga konsehal na pawang nasuspinde rin ang sakop ng kautusang ito.
Ito ay dahil hindi naman naghain ng petisyon ang mga ito, habang ang bise na si Ernesto Mercado ay binawi din kahapon ang kanyang petisyon para sa paghahain naman ng mosyon para sa consolidation ng kanyang kaso sa kaso ni Binay.
Nakasaad din sa kautusan ng CA na patigilin ang DILG sa pag-iimbestiga sa kasong kinakaharap ni Binay hanggat hindi pa nareresolba ang usapin sa CA.
Ipinaliwanag ng CA na ang isang elective official ay hindi marapat na matanggal sa puwesto nang hindi malinaw ang batayan dahil napagkakaitan nito ng karapatan ang mga constituent na bumoto sa kanya.
Kailangang magbayad ni Binay ng P200,000 bond at kung hindi ay babawiin ang TRO.
Samantala, irerespeto naman ng Malacañang ang desisyon ng korte na preventive suspension laban kay Binay.
Ayon kay Presidential Chief of Staff Mike Defensor, "Its a welcome development para humupa ang tensiyon sa siyudad ng Makati."
Tumanggi munang magkomento si Binay dahil hindi pa anya niya natatanggap ang desisyon, habang sinabi naman ng maybahay nitong si Elenita na umpisa pa lamang daw ito ng kanilang laban.
Kaugnay nito, unti-unti nang nag-alisan ang mga supporters ni Binay sa bisinidad ng Makati City Hall kung saan namaho ang lugar dahil sa tambak ng basura na naiwan.