Sa pagbubulgar ni Lanao del Norte Rep. Benasing Macarambon sa deliberasyon ng P25.8 milyon budget ng Optical Media Board (OMB) sa Kamara, kinuwestiyon ni Macarambon si OMB chairman Edu Manzano kaugnay sa nasabing isyu dahil mas pinagtutuunan umano nito ng pansin ang pagtugis sa mga Muslim na nagtitinda ng mga pirated na DVDs at VCDs.
"I have notice that in anti-piracy campaign of the OMB, it is always the small fish-the Muslim traders are being rounded-up. How about the big fish like the senator that is said to be behind the two biggest reproduction machine of the pirated discs," pahayag ni Macarambon.
Mas mapapadali aniya ang pagpuksa sa mga piratang DVDs at VCDs kung mismong ang pinagmumulan nito ang uunahin ng OMB.
Ayon kay Macarambon, isang negosyanteng Singaporean ang humimok sa kanya na pumasok sa negosyo ng pamimirata ng DVDs at VCDs. Aabot umano sa P20 milyon ang inisyal na kapital para sa replicating machines at mababawi kaagad ang puhunan sa loob lamang ng tatlong taon.
Tumanggi umano si Macarambon dahil ilegal ang nasabing gawain, pero sinabi ng Singaporean na isang senador ang mayroong dalawang replicating machine sa Pilipinas.
Hindi pinangalanan ni Macarambon ang nasabing senador at sa halip ay hinikayat nito si Manzano na alamin ang katotohanan hinggil sa isyu. (Malou Escudero)