Ito ngayon ang nakikitang senaryo dahil sa tila mapaghamong aksiyon ng North Korea.
Ipinagyabang ng Nokor na nagpasabog na sila ng nuclear bomb, dahilan para ulanin sila ng batikos mula sa maraming bansa.
Hindi na rin mapakali si Pangulong Arroyo at nakiisa sa panawagang ibasura na ng Nokor ang kanilang nuclear weapons project at ihinto ang pagtuklas at pagpapaunlad ng mga mapamuksang armas.
"This hangs a Damocles sword above East Asia, threatens regional integration and places the prosperity of all peoples on this part of the world at risk," anang Pangulo.
Ang North Korea ang ika-9 na bansa na may nuclear weapon. Ang iba pa ay US, Russia, France, China, Britain, India, Pakistan at Israel.
Sinasabing maliit lang ang bomba, pero ayon sa Russia, ito ay sinlakas ng ibinagsak ng US sa Japan noong World War II.
Base sa pagyanig, maaaring 550 tonelada ng TNT ang pinasabog.
Umapela naman ang mga kongresista sa Malacañang na maging maingat sa pagbibigay ng statement kaugnay sa matagumpay na nuclear testing ng North Korea upang hindi malagay sa alanganin.
Ayon kina Reps. Roilo Golez at Ruffy Biazon, dapat na maging balanse ang Palasyo sa ipalalabas na pahayag dahil posibleng maapektuhan ang mga overseas Filipino workers sa South Korea na kalapit lamang ng North Korea.
Sinabi naman ni Biazon na mas makakabuting makiayon sa "stand" ng UN at ASEAN ang magiging stand ng Pilipinas sa sitwasyon.
Pinuna pa ng dalawang kongresista na sakaling sumiklab ang kaguluhan dahil sa nuclear testing na isinagawa ng North Korea, walang kakayahan ang Pilipinas na makisali sa gulo dahil kulang sa kagamitan ang AFP at PNP.
Inihayag naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) na may nakalatag nang contingency plan para sa mga OFW sakaling umigting ang tensiyon sa Nokor. (Lilia Tolentino, Rose Tamayo-Tesoro At Malou Escudero)