Guinness Record ng yakapan susungkitin ng Pinas

Nakatakdang i-break ng Pilipinas ang Guinness record ng bansang Mexico sa pinakamaraming bilang ng tao na sabay-sabay na nagyakapan.

Ayon kina Percy Chavez, chairman ng Presidential Commission for the Urban Poor at Diogenes "Jojie" Osabel ng Urban Poor Sectoral Council, sa darating na Dis. 8, 2006 ay tatangkain ng bansa na gumawa ng bagong record kung saan sa Quirino Grandstand sa Luneta nila isasagawa ang ‘solidarity hug’ na tiyak umanong magtatala sa bansa sa Guinness Book of World Records.

Sinabi ng Urban Poor Solidarity na ngayon pa lamang ay umaabot na sa 7,000-10,000 katao ang nakatakdang makiisa sa kanilang programa kaya sigurado na anyang mabi-break nila ang rekord ng Mexico na 6,623 katao.

Sa ngayon ay ipinagdiriwang ng grupo ang 17th Urban Poor Solidarity Week na ang layunin ay sugpuin ang kahirapan sa bansa.

Ibat-ibang uri ng serbisyo publiko ang inilatag ng grupo tulad ng medical mission, legal services, free call sa pamilya ng mga overseas Filipino workers (OFWs), job fair at iba pa.

Ang tema ng selebrasyon ay tumulong, isulong, mithi, diwa at gawa tungo sa kapayapaan at kaunlaran ng bansa. (Mer Layson)

Show comments