Ito ang binigyang-diin ni Sen. Ramon Magsaysay Jr. sa kondisyon ni dating Agriculture Undersecretary Jocelyn "Joc-joc" Bolante na tulungan muna ito ng Senado na maibalik ang kanyang US visa bago ito magsalita kaugnay sa kanyang nalalaman sa kinasasangkutang P728 milyong fertilizer fund scam.
Ayon kay Sen. Magsaysay, chairman ng senate committee on agriculture and food, isang mapagkakatiwalaang source ang tumawag sa kanya upang ipaabot ang nais na kondisyon ni Usec. Bolante bago ito magsalita ukol sa fertilizer fund scam at ang nais din nitong alisin na ng Senado ang kanyang warrant of arrest.
Sinabi ni Magsaysay, walang dapat na kondisyong ilatag si Bolante bago ito magsalita kaugnay sa pagkakasangkot nito sa fertilizer fund scam at wala sa hurisdiksyon ng Senado na ibalik ang US visa ng dating opisyal ng Department of Agriculture.
Wika pa ng mambabatas, nasa kamay na nila ang lahat ng ebidensiyang nagtuturo kay Bolante bilang utak ng fertilizer fund scam at mula ito mismo sa Commission on Audit (COA) at ang nais lamang nila ay magpaliwanag ang dating opisyal kung paano niya ginastos ang nasabing fertilizer fund partikular ang ginawang pamamahagi nito bago ang May 2004 presidential elections.
Magugunita na inihayag ni Atty. Harry Roque na nais na umanong magsalita ni Bolante kaugnay sa nalalaman nito ukol sa fertilizer fund scam subalit sa kondisyon na tulungan muna siyang maibalik ang kanyang US visa at alisin na ang warrant of arrest ng Senado.
Kasalukuyang nakapiit pa rin si Bolante sa Chicago detention center dahil sa paglabag sa immigration laws matapos kanselahin ng US embassy sa Pilipinas ang kanyang US visa kaya inaresto ito ng mga tauhan ng Immigration and Naturalization Service (INS) paglapag niya sa Los Angeles Airport noong July 7. (Rudy Andal)