Desisyon ng Comelec sa people’s initiative pinababasura

Nais ng abogado ng gobyerno na ibasura nito ang desisyon ng Comelec na nagbabasura sa kahilingan ng grupong Sigaw ng Bayan na maamyendahan ang Saligang Batas sa pamamagitan ng people’s initiative.

Sa komento na inihain ng Office of the Solicitor General, sinabi nito sa Supreme Court na sapat nang batayan ang Republic Act 6735 upang siyang magpatupad sa people’s initiative.

Sapat na rin umano ito upang hindi na magkaroon pa ng mas mahabang panahon para talakayin pa sa Kongreso ang pag-amyenda sa Constitution.

Hindi rin umano dapat na pagbatayan ng SC ang nauna itong desisyon sa Santiago vs Comelec dahil ang petisyon ng Sigaw ng Bayan ay suportado ng mahigit sa anim na milyong pirma kaya malinaw umanong nagkamali ang Comelec na pagbatayan ang nasabing desisyon ng korte.

Aniya, ang temporary restraining order (TRO) na ipinalabas ng SC noong 1997 ay ipinatutupad lamang laban sa petisyon ni Atty. Jesus Delfin kung saan hinihiling nito na malimitahan lamang ang termino ng mga elective officials sa pamamagitan ng people’s initiative.

Aniya ang naturang petisyon ay hindi umano suportado ng mga pirma ng mga mamamayan kaya ito’y ibinasura lamang ng korte.

Iginiit ni Solgen Egardo Nachura na isang pagkitil sa karapatan ng mamamayan ang ginawang pagbasura sa people’s initiative. (Grace dela Cruz)

Show comments