Sinabi ni Sen. Revilla, mas makakabuting patapusin muna ang ginagawang evacuation at repatriation sa ating mga OFWs upang masiguro ang kanilang kaligtasan bago ipatawag ng Senado ang mga concerned officials para tanungin hinggil sa nawawalang pondo.
Idinagdag pa ng mambabatas, may tamang panahon para sa accounting at accountability kaugnay sa kinukuwestiyong pondo ng OWWA at sa sandaling matapos ang misyon sa Lebanon ay wala ng dahilan para hindi dumalo ang mga opisyales ng ahensiyang sangkot sa usapin para humarap sa pagdinig ng Senado.
Ipinagtanggol naman ni Sen. Jinggoy Estrada, chairman ng senate committee on labor and employment, ang pakikipagtulungan ni Ambassador Al Francis Bichara nang pumayag itong makipag-usap sa pamamagitan ng phone patch sa kanyang komite kung saan ay inihayag ang kakulangan sa pondo ng embahada para sa evacuation at repatriation ng mga OFWs sa Lebanon.
Itinakda uli ni Sen. Estrada ang susunod na pagdinig hinggil sa OWWA fund sa darating na Lunes kung saan ay nagpalabas na ng subpoena si Senate President Manuel Villar Jr. matapos hindi sumipot noong nakaraang linggo ang mga inimbitahang opisyal mula sa OWWA, DFA, POEA at Malacañang. (Rudy Andal)