Sinabi ng Malacañang, marami pang dapat ipaliwanag si Aquino sa pamahalaan kaugnay sa naging papel nito sa tangkang destabilisasyon sa Arroyo administration.
Pipigain ng husto si Aquino sa sandaling i-deport ito mula sa US matapos niyang pagsilbihan ang kanyang magiging sentensiya nang aminin nito sa US District Court na tumanggap siya at nag-ingat ng mga US classified documents mula sa dating US Marine at FBI intelligence analyst Leandro Aragoncillo.
Sinabi ni Press Secretary at Presidential Spokesman Ignacio Bunye, ang pag-amin ni Aquino ay kumumpirma sa maitim na plano ng kanyang mga amo sa oposisyon na maghasik ng destabilisasyon sa Arroyo administration at sirain ang sistemang demokrasya sa bansa.
"We welcome the fact that justice has been served but it is clear that Mr. Aquino is just a sacrificial lamb and a fall guy for the real agents of evil that planned out an aborted conspiracy against the Filipino people," dagdag pa ni Sec. Bunye.
Siniguro ni Bunye na babantayan ng gobyerno ang magiging takbo ng kaso nina Aquino at Aragoncillo.
Umamin si Aquino sa pagtanggap at pag-iingat ng mga classified US documents na ipinadala sa kanya ni Aragoncillo pero itinanggi ng kanyang abugado na may pinagpasahan ito ng mga dokumento. Nakatakdang sentensiyahan si Aquino sa darating na Oktubre 30 at posibleng mahatulan ito ng 3 taon hanggang 6 na taon habang si Aragoncillo na umamin sa kasong pag-eespiya noong Mayo ay posibleng makulong ng 15 hanggang 20 taon.
Kabilang umano sa pinaniniwalaan ng mga US investigators na pinagpasahan ng mga classified US documents nina Aquino at Aragoncillo sina dating Pangulong Erap Estrada, Sen. Panfilo Lacson at dating House Speaker Arnulfo Fuentebella. (Lilia Tolentino)