Sekyu namalo ng bangkito, 14-taon kulong

Hindi na naisalba sa hatol na mabilanggo ng hanggang 14 taon ang isang sekyu kahit siya pa ang nagdala sa ospital sa biktima na pinalo niya sa ulo ng isang bangkito noong 1992.

Sa 10-pahinang desisyon ng Korte Suprema, kinatigan ng Korte ang desisyon ng Court of Appeals (CA) at Baguio City Regional Trial Court Branch 4 na naghatol ng pagkabilanggo mula 6-14 taon kay Cerilo Bricenio dahil sa pagpatay kay Roy Rivera, isang engineer ng Baguio City Colleges Foundation noong Marso 1992.

Sa rekord, nakipag-inuman ang biktima sa mga katrabaho sa Heike Jade Restaurant sa Baguio City. Nalasing ito at pasuray-suray na inakay ng mga kasamahan pauwi ng bahay.

Sa daan ay nabangga nito ang nakasalubong na akusado. Agad naman humingi ng paumanhin ang mga kasamahan ng biktima sa hindi sinasadyang pagkakabangga bunga ng kalasingan. Subalit hindi nagpatawad ang akusado at hinatak papasok ng restaurant ang biktima at pinalo ng bangkito sa ulo at mukha ng makailang-ulit.

Matinding pinsala ang natamo ng biktima na siyang ikinasawi nito.

Sa depensa ng akusado, sinabi niya na inosente siya at katunayan ay isinugod pa niya sa ospital ang biktima.

Iginiit ng korte na ang ginawang pagtulong ng akusado nang dalhin sa ospital ang biktima ay hindi patunay na wala siyang sala, bagkus ay maaring may iba pa siyang motibo bukod sa pagliligtas sa kanyang biktima. Maliban sa kulong, inatasan pa ng Mataas na Korte si Bricenio na magbayad ng P50,000 sa naiwang pamilya ng biktima bilang danyos. (Ludy Bermudo)

Show comments