Sa ipinalabas na desisyon ng SC, kinatigan nito ang Circular No. 2000-06-010, na ipinalabas ni dating Energy Secretary Vincent Perez noong June 9, 2000, kung saan ang mga LPG dealer ay maaaring pagmultahin o tuluyang ipasara kung lalabag sa naturang kautusan.
Kabilang na dito ang mga outlet na walang price display board, walang weighing scale, mga tangkeng walang tamang weigh markings, walang awtorisadong LPG seal, kulang sa timbang, walang serial number at tampered LPG cylinder.
Una ng ibinasura ni Pasig City Regional Trial Court (RTC) Branch 161 Judge Alicia Mariño-Co, ang nabanggit na kautusan kung saan pinaburan nito ang inihaing petisyon ang LPG Refillers Association of the Philippines.
Subalit, pinapawalang-bisa ng SC ang nasabing desisyon ng mababang hukuman.
Nilinaw pa rin ng SC na naaayon sa Batas Pambansa (BP) bilang 33 at Republic Act (RA) 8479 ang nasabing circular ng DOE.
Ipinaliwanag naman ng SC na layon lamang ng nasabing kautusan ng DOE na maprotektahan ang publiko laban sa mga mapagsamantalang dealer ng LPG. (Grace Amargo dela Cruz)