Magugunita na pinatindi ang seguridad sa LRT dahil kabilang ito sa mga target ng mga grupong terorista tulad ng Jemmah Islamiyah.
Binigyan ng ultimatum ng Lockheed Detective and Watchman Agency si LRT Administrator Melquiades Robles na bayaran ang serbisyo ng mga guwardiya dahil kung hindi ay mapipilitan itong tanggalin ang kulang-kulang 500 sekyu na nakatalaga sa LRT pagsapit ng Hunyo 16.
Ayon sa sulat na ipinadala ni Col. Esteban Uy, Jr., chief executive officer ng Lockheed, sinabi nitong umaabot na sa mahigit P60 milyon ang utang ng LRT mula pa noong nakaraang Nobyembre.
Inireklamo ng Lockheed na 20 taon ng nakatalaga ito sa LRT at ngayon lamang nangyari na hindi ito binabayaran ng pamunuan.
Sa ilalim ng kasunduan sa pagitan ng LRT at Lockheed, dalawang buwan lamang ang ipapaluwal na suweldo ng Lockheed sa mga guwardiya at pagkatapos nitoy dapat nang magsimulang magbayad kada buwan ang LRT.
Subalit hindi sumunod ang LRT sa kasunduan at pitong buwan nang hindi nagbabayad, pahayag ni Uy.
"Ayaw namin itong gawin dahil ayaw naming malagay sa panganib ang mga sasakay sa LRT, pero dahil sa hindi pagbabayad ng LRT management at paglabag nito sa kontrata, ay hindi na naming kakayanin pang mag-abono sa sahod ng mga guwardiya sa mga darating na buwan," sabi ni Uy.
Umaabot sa P8 milyon kada buwan ang gastos sa mga guwardiya sa LRT line 1, mula Baclaran hanggang Monumento at P3.7M naman sa LRT line 2 na bumibiyahe mula Divisoria hanggang Santolan.