DOJ inisnab ni Ruffa

Inisnab ng kampo ng beauty queen/actress na si Ruffa Gutierrez ang isinagawang preliminary investigation sa Department of Justice (DoJ) kaugnay sa kasong tax evasion na isinampa laban dito ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

Tanging ang abogado lamang ni Gutierrez ang dumalo at naghain ng motion for extension upang mapalawig ang panahon sa paghahain ng kanilang counter-affidavits.

Sa nabanggit na motion, nais nina Ruffa, kasama ang kanyang mga magulang na sina Annabelle Rama at Eddie Gutierrez na mabigyan pa ng 15-araw para mapag-aralan ang kaso.

Sinabi naman ni State Prosecutor Mederlyn Mangalindan na dapat munang magbigay ng komento ang panig ng BIR kung tututulan nito o hindi ang nabanggit na kahilingan ng pamilya Gutierrez.

Naghain ng reklamo ang BIR laban sa kompanyang Royale Era, na pag-aari ng pamilya Gutierrez, makaraang mabigo ito na magbayad ng kanilang income tax return sa loob ng taong 2003-2004.

Nadiskubre ng BIR na kumita ang Royale Era ng P2.2 milyon hanggang P4,024,801 mula sa GMA Network sa pamamagitan ng pangongomisyon nito kung saan 40 porsiyento umano ng unang halaga ang inander-declare nito. (Grace dela Cruz)

Show comments