Miyembro ng Valle Verde gang timbog
May 30, 2006 | 12:00am
Bumagsak sa pinagsanib na elemento ng Regional Traffic Management Office 4A (RTMO) at Laguna Police Provincial Office ang isang pinaniniwalaang notoryus na miyembro ng Valle Verde carjacking gang sa operasyon sa San Pablo City, Laguna. Kinilala ni PNP-TMG Director Chief Supt. Errol Pan ang nasakoteng suspect na si Roberto Aglipay na agad nitong nilinaw na walang relasyon at kaapelyido lamang ni dating PNP Chief Ret. Director General Edgar Aglipay. Ayon kay Pan, bandang alas-9 ng umaga nang salakayin ng mga awtoridad ang safehouse ng suspect sa Brgy. San Rafael, ng nasabing lungsod. Ang raid ay isinagawa sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Fadul ng 5th Municipal Trial Court sa Pangil, Laguna. Nasamsam sa tahanan ni Aglipay ang isang 9mm pistol, 2 magazine para sa 9mm, 10 piraso ng mahabang magazine ng 9mm, 10 piraso ng magazine ng M-16 rifle, 6 piraso ng maikling magazine ng M-16 rifle, 680 rounds ng bala ng M-16, isang asul na camouflage na uniporme ng pulis, isang berdeng bonnet at dalawang piraso ng M-203 bandoleer. Narekober din ang isang puting Honda CRV na may plakang XSY-607 model 2005 na pag-aari ng isang Roberto Ramos na ninakaw habang nakaparada sa San Pedro, Laguna noong Abril 2006. (Joy Cantos)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest