Sinabi ni Echiverri na magsisimula na naman ang panahon ng tag-ulan kaya mahalagang matanggal na ang mga bagay sa bakuran na maaring maipunan ng tubig at pamahayan ng lamok.
Pinayuhan ng alkalde ang mga mamamayan na ugaliin ang "4 Oclock Habit" na paglilinis sa kanilang mga tahanan upang masigurong naialis ang mga nakaimbak na tubig na maaring may itlog ng lamok.
Dinadala ng mga lamok na Aedes aegypti at Aedes albopictus ang dengue virus. Sa umaga nangangagat ang mga ito at sa malinis na tubig namamahay.
Iginiit ng alkalde na mas makabubuti ang pag-iingat at agapan ang sakit na dengue na karaniwang nagiging sanhi ng kamatayan kapag hindi naagapan.
Nauna nang inatasan ni Echiverri ang City Health Department na paigtingin ang kanilang programa upang labanan at mapigil ang paglaganap ng dengue sa lungsod.
Inutusan rin nito ang Environmental Sanitation Service (ESS) na doblehin ang kanilang isinasagawang paglilinis sa lungsod upang hindi maimbak ang mga basura at tubig na pinamamahayan ng lamok.
Binigyan din nito ng direksyon ang lahat ng opisyal ng barangay at kanyang mga tauhan na tumulong sa information campaign para makaiwas sa sakit na dengue ang mga mamamayan.
Kabilang sa mga palatandaan ng dengue and biglaang pagtaas ng lagnat na tumatagal ng dalawa hanggang pitong araw, pananakit ng kalamnan at kasukasuan, pagkakaroon ng maliliit at mapupulang pantal, pananakit ng ulo at tiyan, hirap sa paghinga, pagdurugo ng ilong at gilagid at pagsusuka o pagdumi ng maitim na kulay dulot ng pagdurugo ng bituka.