Maglive-in na ‘tulak’ arestado

Arestado ang maglive-in partner na kilabot na tulak sa ipinagbabawal na droga sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa kanilang bahay, kamakalawa ng hapon sa San Juan.

Nakilala ang mga dinakip na suspect na sina Gina Santos, 32 at Leonardp Agapito, 37, ng 37 San Joaguin St., Brgy. San Perfecto ng bayang ito. Nakuha sa mga ito ang dalawang sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P1,000.

Sa ulat naaresto ang mga suspect dakong alas-5 ng hapon matapos na magpositibo ang ginawang test buy-operation na ang maglive-in partner ang siyang nagtutulak ng shabu sa kanilang lugar.

Nagpanggap na poseur buyer ang isang pulis at bumili ng halagang P1,000 shabu sa mga suspect at nang magkapalitan ng bayad at kalakal ay doon dinakma ang maglive-in.

Lumabas pa sa ulat na ang mga suspect ay nasa watchlist ng pulisya dahil sa operasyon ng mga ito sa ipinagbabawal na gamot. (Edwin Balasa)

Show comments