Sa direktiba ni Balajadia sa kanyang mga tauhan, dapat puntahan ang lahat ng posibleng pagtataguan ni Bolante, na sinasabing arkitekto ng P720 milyong fertilizer fund scam, pati na ang bahay nito sa Ayala, Alabang at ang sinasabing farm nito sa Roxas City, Antique.
Magugunita na lumiham si Sen. Ramon Magsaysay Jr., chairman ng committee on agriculture and food, kay Immigration Commissioner Alipio Fernandez upang beripikahin ang ulat na dumating sa bansa si Bolante noong alas-4 ng madaling araw nitong Abril 9 sa NAIA.
Inatasan ng Senado ang Bureau of Immigration (BI) na isilbi ang warrant of arrest ng Senado laban kay Bolante dahil sa pagkabigo nitong humarap sa isinagawang imbestigasyon ng komite ni Magsaysay kaugnay sa fertilizer fund scam.
Sa halip na harapin ang imbestigasyon ng Senado ay tumakas palabas ng bansa si Bolante at idinahilan ang kanyang tungkulin bilang Rotary International official.
Umabot sa mahigit P200,000 ang naging reward sa sinumang makapagtuturo kay Bolante mula sa donasyon ng mga senador at ilang grupong magsasaka.
Umaasa si Magsaysay na hindi kukunsintihin ni Fernandez ang kanyang mga tauhan sakaling totoo ang ulat na dumating sa bansa si Bolante subalit pinabayaan lamang makalusot sa NAIA ng mga Immigration officers.
Umapela naman si Magsaysay sa taumbayan na ipagbigay-alam sa Senado kung sakaling alam nila ang pinagtataguan ni Bolante upang makuha nila ang P200,000 reward. (Rudy Andal)