Sa ulat na nakarating kahapon sa Department of Foreign Affairs (DFA), sinasabing nagsasagawa ngayon ng malawakang air and ground search ang mga awtoridad sa Kota Kinabalu upang maibalik sa kulungan ang 64 escapees.
Hindi tinukoy ni Wong Chong Fooi, deputy police chief sa Sabah, ang pangalan ng mga tumakas na pawang may kinakaharap na ibat ibang kaso ng paglabag sa immigration law sa nasabing bansa.
Sinamantala umano ng mga preso ang pagkakaroon ng konting kaguluhan at noise barrage sa Menggatal temporary detention center noong Biyernes at tumakas sa pamamagitan ng pagsira sa perimeter fence at zinc wall na kanilang kulungan.
Natuklasan lamang ang pagtakas nitong Sabado makaraang mag-headcount. Nakatakda na sana ang deportation ng mga pumuga matapos ang ilang buwang pagkakakulong.
Kaugnay nito, inatasan na ni DFA Secretary Alberto Romulo ang mga opisyal ng ating embahada sa Malaysia na makipagtulungan sa mga awtoridad upang maibalik sa Pilipinas ang 40 OFWs sa oras na sila ay muling maaresto. (Mer Layson)