Ayon sa Pangulo, kailangang maisulong na ang Charter change upang maipatupad ang mga hinahangad niyang mga reporma sa bansa. Patuloy anyang hindi makakaangat ang ekonomiya at mauunsiyami ang mga nilalayong repormang pampulitika kung hindi maipupursige ang pagpapalit ng sistema ng pamahalaan.
Sinabi rin ng Pangulo na damang-dama na ngayon ang tunay na kapangyarihan ng mamamayan sa inilunsad na barangay assembly para mangalap ng pirma at maisulong ang peoples initiative. Hindi anya dapat isantabi ang makatotohanang panawagan ng taumbayan ng pagbabago sa Konstitusyon dahil ito ang kailangan ng bansa para lalo pang maging mabilis ang pag-unlad.
Umabot na sa mahigit 4 milyon ang lagdang nakalap.
Samantala, mariing itinanggi ng Department of Interior and Local Government (DILG) na may kinalaman sila sa nabunyag na umanoy operation center ng isinusulong na peoples initiative sa 5th floor ng New Horizon Hotel sa Mandaluyong City.
Gayunman, sinabi ni DILG Undersecretary for Local Government Wencelito Andanar na paiimbestigahan ang report matapos mamataan din sa lugar si DILG director Rolando Acosta.
Ayon kay Andanar, posibleng may personal na kinatagpo sa nasabing hotel si Acosta at hindi tungkol sa peoples initiative. Anya, kung totoo mang nakita roon si Acosta, wala itong kinalaman sa kumakalat na balitang may isang kuwarto itong inookupahan kung saan nakitaan ng bultu-bultong dokumento na hinihinalang may kinalaman sa peoples initiative. (Lilia Tolentino/Doris Franche)