‘Oplan Hackle’ vs GMA

Binabalak umano ng mga retiradong heneral na maglunsad ng "Oplan Hackle", ang bagong tawag sa planong patalsikin si Pangulong Arroyo sa puwesto, kung saan gagawin ang "panggugulo" sa Alumni Homecoming ng Philippine Military Academy (PMA) na idaraos bukas.

Ayon kay AFP Public Information Office chief Col. Tristan Kison, kinumpirma nito na may mga retiradong heneral ang nagbabalak na magladlad ng streamers at posters na tumutuligsa sa gobyerno habang isasagawa ang parada ng mga nagtapos sa akademya upang ipahiya ang administrasyong Arroyo.

Gagamitin aniyang pagkakataon ang naturang pagtitipon upang mailahad ang pagrerebelde ng ilan laban sa gobyerno at upang makahikayat ng mga batang opisyal ng militar.

"It moves around the grapevine that there is such a thing as operational hackle," ani Kison.

Ang banta ay sa kabila ng apela ni PMA Supt. Brig. Gen. Leopoldo Maligalig na huwag gamitin sa pamumulitika ang nasabing okasyon.

Mahigpit namang binalaan ni Kison ang mga aktibong sundalo na madidiin sila sa kasong paglabag sa Articles of War at mananagot kung makikisangkot sa naturang plano.

Show comments