Libreng Kasalang Bayan sa Peb. 14 samantalahin

Hinikayat ni Caloocan City Mayor Enrico "Recom" Echiverri sa mga residenteng nagsasama na hindi pa ikinakasal na samantalahin ang gagawing libreng "Kasalang Bayan" na gaganapin sa Valentine’s Day, February 14 sa Bonifacio Monument Circle.

Ayon kay Echiverri, kinakailangan lamang ng mga residenteng gustong sumali sa Kasalang Bayan na ihanda ang kanilang mga baptismal certificate at community tax certificate (cedula) at iprisinta lamang sa Civil Registry Department (CRD) ng city hall.

Idinagdag pa ng alkalde na ang gaganaping Kasalang Bayan ay hindi lamang matatawag na "romantic affair" kundi masasabi ring isa itong makasaysayan dahil gagawin ito sa dambana ni Gat. Andres Bonifacio.

Ipinaliwanag pa nito na alam niyang maraming magka-live-in ngayon ang nagnanais na magpakasal ngunit dahil sa laki ng gagastusin ay nagdadalawang-isip ang mga ito kaya’t minabuti ng alkalde na magsagawa ng libreng Kasalang Bayan.

Noong nakaraang taon ay umaabot sa 2,300 magkapareha aang nakinabang ng ginanap na Kasalang Bayan na inisponsoran ng alkalde sa pamamagitan din ng tulong ng CRD.

Iniulat din ng CRD na bukod sa libreng Kasalang Bayan ay tutulungan din ng lokal na pamahalaan ang rehistrasyon ng mga magiging anak ng makikidalo sa gaganaping okasyon.

Ipinaliwanag din ni Echiverri sa mga dadalo sa Kasalang Bayan na hindi natatapos sa seremonya ang kanilang pagmamahal bagkus kailangang nasa puso at isipan ng mga ito upang maging maganda ang kanilang pagsasama para sa kanilang mga magiging anak.

Show comments