DOJ panel sa stampede buo na

Sinimulan na ng bagong panel ng Department of Justice (DOJ) na pag-aralan ang report ng Department of Interior and Local Government (DILG) kaugnay sa stampede sa Ultra, Pasig City.

Sinabi ni Senior State Prosecutor Joselita Mendoza, pinuno ng panel, magkakaroon ng kanya-kanyang gampanin ang bawat isang miyembro ng panel para mas mapabilis ang gagawin nilang imbestigasyon at matapos nila ito sa loob ng 10 araw gaya ng itinaning sa kanila ni Justice Sec. Raul Gonzalez.

Ipinaliwanag pa ni Mendoza na ang mangangalap ng mga ebidensiya, tulad ng death at medical certificates ng mga biktima sa naganap na stampede ay sina National Bureau of Investigation (NBI)-National Capital Region (NCR) director Raul Lasala at Atty. Arnold Rosales.

Habang si Mendoza naman at State Prosecutor Merba Waga ang bubusisi sa isinumiteng report ng DILG upang magamit sa posibleng pagsusulong ng kaso laban sa mga dapat managot sa stampede.

Umaasa si Mendoza na mailalabas nila ang buong report sa Peb. 20, 2006. (Grace Amargo-Dela Cruz)

Show comments