Ayon kay Lozano, ihahain niya ang impeachment complaint bago dumating ang buwan ng Hunyo dahil hindi naman ito lalabag sa one-year prescriptive period para sa impeachment proceedings na maumpisahan.
Niliwanag ni Lozano na magkaiba ang paghahain o filing ng reklamo sa initial proceedings o pagsisimula nang pagdinig sa kaso kaya maari niyang ihain ang reklamo bago dumating ang Hunyo.
Gayunman, nakahanda aniya niyang ikonsulta sa oposisyon ang reklamo upang mapagka-isa ang kanilang magkakaibang opinyong legal.
Sinabi naman ni San Juan Rep. Ronaldo Zamora na plano nilang ihain ang naturang reklamo sa Hunyo o eksaktong isang taon matapos na maihain ang Lozano complaint sa Kongreso.
Niliwanag ni Zamora na nais muna nilang masiguro na makukuha nila ang 79 lagda upang mai-transmit ang reklamo sa Senado.
Matatandaang sinampahan ng kasong impeachment si Arroyo noong nakaraang taon bunsod na rin sa isyu ng "Hello Garci" tapes.
Ibinasura naman ng mga kongresista noong Setyembre ang tatlong impeachment complaint laban kay Arroyo matapos ang debate at botohan. Ayon naman kay Majority Leader Prospero Nograles, hindi pa tapos ang one-year ban sa paghahain muli ng impeachment kaya ang maaari lamang gawin ng oposisyon ay pag-usapan ito sa kabila na may karapatan silang ihain ulit ito sa Kongreso.
Umapela naman ito sa oposisyon na huwag guluhin ang isipan ng taumbayan at samantalahin ang kasalukuyang political crisis sa pagsusulong ng kanilang plano para mapatalsik si Arroyo.
Dapat anyang hintayin ng oposisyon ng tamang oras sa pagsasampa ng reklamo.
Samantala, hindi naman nasisindak ang Palasyo sa panibagong impeachment csae na isasampa laban sa Pangulo. Ayon kay Executive Secretary Eduardo Ermita, kalayaan ng sinuman na makapagsampa ng kasong impeachment pero gaya ng nakaraang kaso, walang katiyakan kung ito ay maisusulong at kung ito ay may sapat na basehan.