Ayon kay Arnel Ty, president ng LPG Marketers Association, simula sa darating na Lunes, Enero 2, 2006 ay kinakailangan na umano nilang mag-adjust ng presyo upang mabawi ang mga nakaraang pagtaas.
Sinabi ni Ty na pumalo ang contract price nito sa pandaigdigang pamilihan sa $30 kada metriko tonelada kaya sa kanilang kalkulasyon ay umaabot ang adjustment sa P2 kada kilo.
Dagdag pa ni Ty na sabay-sabay na magtataas ng kahalintulad na presyo ng kanilang LPG ang iba pang kompanya ng langis.
"Nag-advise na po sa amin ang Caltex, Petron, Shell, Total at Liquigaz na magtataas din sila ng katulad na presyo sa darating na January 2," pahayag ni Ty.
Samantala, magandang balita naman ang inanunsiyo ng mga independent oil players kahapon matapos nilang sabihin na walang pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo sa buong Enero.
Ayon kay Fernando Martinez ng New Petroleum Players Association na posibleng sa Pebrero pa sila magtataas ng presyo ng kanilang produkto at ibabase nila ito sa "crude rates adjustment" sa world market at ang karagdagang implementasyon ng expanded value added tax (EVAT). (Edwin Balasa)