Sa isang pahayag, sinabi ni Maita Santiago, secretary-general ng Migrante International na napupuwersa na ngayon maging ang mga doctor, nurses, mga guro at inhinyero na mangibang-bansa para makapaghanap ng mas magandang suweldo at tiisin na malayo sa kanilang mga pamilya.
Matatandaan na pinapurihan ni Pangulong Arroyo ang mga OFW na siya umanong sumasagip sa ekonomiya ng bansa matapos na tumatag ang piso kontra sa dolyar (US$1/P53.+) dahil sa remittances na ipinapadala ng mga ito ngayong Disyembre.
Ngunit sinabi ng Migrante na napupuwersa lamang ang mga OFW na isakripisyo ang kanilang sarili dahil sa kawalang pag-asa sa sistema ng Pilipinas. Sa kabila nito, bigo naman umano ang pamahalaang Arroyo na mabigyan ng sapat na proteksiyon at benepisyo ang mga OFW habang nagtatrabaho sa mga dayuhang bansa.
Marami umano sa mga OFW ang biktima ng pang-abusong pisikal ng mga amo, panggagahasa, nakakulong dahil sa kawalan ng tulong legal at iba naman ay misteryosong namamatay.
Sa kanilang talaan, buhat noong Marso 2002 hanggang kasalukuyan, may 13 OFW na ang misteryosong namamatay o kaya naman ay hindi pa nareresolba ang pagkasawi.
Kabilang dito sina Amalia Semilla sa Japan; Ivy Collantes Bautista sa Spain; Juanita Lajot sa Singapore; Nimia Pintor at mga anak sa South Korea; Racquel Pascual sa Brunei; Janet Paradillo sa Kuwait; Catherine Bautista, Nelsa Villarta at Louie Montenegro sa Lebanon; Marcon Gatapia sa Singapore; Isla Gwen sa Veneranda Pana at Divina Urbi sa Netherlands.
Kung natupad sana ng pamahalaan ang pangako ng pagbibigay ng mga disente at regular na trabaho ay hindi na mapipilitan ang mga OFW na mangibang-bansa at magpaalipin sa mga dayuhan.
Pinakahuling nag-aalisan ngayon sa Pilipinas ang mga doctor na pinababa ang sarili sa pag-a-apply na mga nurse sa ibang bansa dahil sa mas malaking suweldo. (Danilo Garcia)