Drilon: Garci kakaladkarin!

Iginiit kahapon ni Senate President Franklin Drilon na puwedeng kaladkarin ng Senado si dating Comelec Commissioner Virgilio Garcillano kung patuloy nitong iisnabin ang isinasagawang pagdinig sa "Hello Garci" controversy.

Sinabi ni Sen. Drilon, nasa kamay ng senate committee on national defense and security na pinamumunuan ni Sen. Rodolfo Biazon kung irerekomenda nilang magpalabas ng warrant of arrest ang Senado kung patuloy na babalewalain ni Garcillano ang imbitasyon para dumalo sa pagdinig ng mataas na kapulungan.

Ayon kay Drilon, inisnab ni Garcillano ang naunang imbitasyon ng komite ni Sen. Biazon matapos itong lumantad at dumalo sa pagdinig ng Kamara. Isang subpoena ang susunod na ipapadala ng komite kay Garcillano at kapag hindi pa siya dumalo ay puwede na siyang i-cite for contempt at isyuhan ng warrant of arrest.

Idinagdag pa ng senate president, sa panahon ng pamumuno noon ni Sen. Aquilino Pimentel Jr. sa Senate Blue Ribbon committee ay mayroong abugado silang ipinaaresto sa Mindanao dahil sa hindi nito pagsipot sa pagdinig ng Senado.

Winika naman ni Sen. Biazon, kung patuloy ang gagawing pang-iisnab ni Garcillano sa ipapadalang subpoena dito para sa susunod na pagdinig ng komite ay mapipilitan na silang i-cite for contempt ang dating Comelec official at hilingin sa liderato ng Senado na magpalabas ng warrant of arrest upang bitbitin ito para makadalo sa senate inquiry.

Samantala, pinaiimbestigahan ni Sen. Pimentel ang posibilidad na gumamit ng alyas na Joel T. Sanchez si Garcillano sa pasaporte nito kaya nakalabas ng bansa.

Ayon kay Pimentel, maging sa ginawang pag-iikot ni Garcillano sa Mindanao at pagtuloy sa mga hotel ay posibleng ang ginamit nitong pangalan ay Joel T. Sanchez.

Aniya, kung mapapatunayan ito ay puwedeng kasuhan si Garcillano ng paglabag sa Passport Act sa paggamit ng 2 pasaporte.

Hinamon naman ni Sen. Joker Arroyo ang ibat ibang pinuno ng komite sa Senado na magkaroon ng pokus sa kanilang isinasagawang imbestigasyon lalo sa Garcillano isyu upang makapagpalabas sila ng kahit initial committee report.

Itinuturing na basura ng Malacañang ang muling pagbuhay sa Hello Garci tape isyu ng oposisyon dahil wala namang bagong lumalabas sa imbestigasyon ng Kamara. (Rudy Andal at Lila Tolentino)

Show comments