Sa naganap na dayalogo sa mga residente ng Bagong Barrio, hiniling ni Echiverri kay Engr. Jaime Bartolome ng MWSI na maglagay ng booster pumps lalo na sa mga Brgy. 149, 152, at 150 kung saan walang tumutulong tubig sa mga gripo ng mga residente rito.
Ayon kay Echiverri, kung kulang ang pondo ng MWSI ay handang magpaluwal ang pamahalaang lungsod para sa paglalagay ng booster pumps sa Bagong Barrio.
Sinabi ni Echiverri na kung sa susunod na anim na buwan ay wala pa ring ginagawa ang MWSI, uutusan na niya si City Engr. Rolando Eduria na magtayo ng dalawang motorized deep well at overhead tanks sa Bagong Barrio.
Sinabi ni Echiverri na on-track ang programang patubig ng lungsod, patunay dito ang nalalapit ng pagtatapos na pagbibigay ng tubig sa Bagong Silang, isa sa mga pinakamalaking barangay sa bansa.
"Sa nakalipas na 30 taon, walang tubig na tumutulo sa mga gripo sa Bagong Silang. Ngunit sa susunod na taon, matatapos na ang pagbibigay ng tubig sa lahat ng phase nito," aniya.
Ipinaliwanag ni Echiverri na pansamantala lamang ang isinasagawang pagrarasyon ng tubig sa Bagong Barrio hanggang sa makapaglagay na ng booster pumps ang MWSI dito.