Ayon kay Press Secretary Ignacio Bunye, minabuti ng Palasyo na ipakansela muna ang mga job fair hanggang hindi nalulutas ang kontrobersiya dito kasabay ng utos na imbestigahan ang isyu.
Isa sa inirereklamo ang umanoy masyadong mataas na singil sa renta para sa mga itinatayong booth at parking na nagkakahalaga ng P60,000.
Ang singil sa mga shopping mall sa pagdaraos ng job fair ay umaabot lang sa P30,000 bawat kalahok na kompanya.
Agad namang hiningan ng paliwanag si Press Undersec. Robert Rivera.
Bunga nito, may 200 mga aplikante sa trabaho na mula pa sa ibat ibang mga probinsiya ang nadismaya matapos mabatid na nakansela ang job fair.
Ayon sa mga aplikante, malayo pa ang kanilang pinanggalingan at pinilit nilang magsadya sa Maynila sa pagbabakasali na makahanap ng trabaho. (Lilia Tolentino)